Saturday, January 31, 2009

Pag-ibig sa Isla ng Pagpapakamatay

Ang kwentong ito, "Pag-ibig sa Isla ng Pagpapakamatay" ay mabilisan kong isinulat noong 2006 para lang may maipasa sa isang klase sa Malikhaing Pagsulat. Halaw ito o mas mainam sigurong sabihin na na-inspira ito sa napakagandang maikling kwentong sci-fi ni Roger Zelazny na may pamagat na "The Engine at Heartspring's Center. Kung sakaling mahanap ninyo ang orihinal, tiyak kong maiibigan ninyo ito. Sa loob ng ilang salita ay napadugo niya ang bato, naiparama sa mambabasa ang damdamin ng bakal.

Subalit pamilyar man kayo o hindi sa orihinal na materyal, nawa'y pagdamutan muna ninyo ang munti kong handog.


"PAG-IBIG SA ISLA NG PAGPAPAKAMATAY"


MGA TAUHAN:

Bork – isang cyborg: kalahati tao, kalahati robot. Dati’y isang kilalang bayani sa digmaang pangkalawakan subalit ngayo’y unti-unting nawawala na ang anumang alaala ng pagiging tao. May kakaibang kapangyarihan na nakakapag-paralisa ng anumang robot o gamit electronics na malapit sa kanya. Nagtungo sa Heartsping’s Center, isang Euthanasia colony subalit nagbago ang isip at ngayo’y pagala-gala na lamang sa may dalampasigan ng nasabing isla ng mga gustong magpakatiwakal.

Elsa – isang misteryosang babaeng tumakas din sa Heartspring’s Center dahil tulad ng Bork, nagbago ang kanyang isip matapos lumagda sa kasunduan ng pagpapakatiwakal at tumungo sa isla.


ANG PINANGYARIHAN:

Sa isang barong-barong na gawa sa ilang piraso ng bakal, halamang dagat, lumot at ilan pang basura na inaanod sa may dalampasigan malapit sa Heartspring’s Center: ang kaisa-isahang gusali sa abandonadong isla na pinupuntahan ng mga nilalang na may nais magpakatiwakal ng may dangal mula sa buong kalawakan.

Ilang linggo na rin ang lumipas matapos sagipin ng Bork si Elsa mula sa mga robot na tumutugis sa kanya.




Elsa: Nakatulog ka ba nang mahimbing?

Bork: Hindi na kailangan ng Bork na matulog.

Elsa: Pero natutulog ka, hindi ba? Ilang linggo na rin ako narito kaya
napapansin kong natutulog ka rin.

Bork: Hindi kailangan ng Bork na matulog pero pumipikit din ang Bork dahil
nakasanayan na.

Elsa: Oo nga pala: dati kang tao. Kung magsalita ka kasi’y para kang robot.

Bork: Ang Bork ay hindi robot.

Elsa: O sige, pero ano nga pala ang pangalan mo? Alam ko ang “Bork”
ay tawag mo lang sa iyong sarili. Ano ba ang pangalan mo
noong nabubuhay ka pa bilang tao, bago ikinabit ang mga parteng
metal na ito sa iyong katawan?

Bork: Ang Bork ay hindi tao.

Elsa: May nabasa ako tungkol sa isang heneral noong nakaraang digmaang
pangkalawakan. Pinamunuan niya ang pwersa ng mga taong nagtagumpay
na maitaboy ang mga taga-ibang planeta na nais manakop sa mundo.
Subalit lubha siyang nasugatan sa labanan kung kaya’t maraming parte
ng katawan niya ang pinalitan ng artipisyal na bahagi...Pagkaraan
ng digmaan, nawala na lang siya.

Elsa: Sabihin mo sa akin, ikaw ba ang heneral na ‘yun?

Bork: Ang Bork ay hindi tao.

Elsa: Hindi mo na ba maalala---o ayaw mong alalahanin?

Bork: Ang Bork ay---

Elsa: “Hindi tao”. Oo na, Diyos ko! Kay hirap mong kausap! Kung may iba
lang nilalang dito sa dalampasigan, hindi na ako mati-tiyaga sa
‘yo, ano?

Elsa: Pero bukod sa paglilinis dito sa dampa mo, ano pa bang gagawin ko?

Bork: May inihandang pagkain ang Bork sa iyo kagabi pero hindi mo kinain.

Elsa: Ha? Ah, wala akong gana, eh. Pero salamat sa pag-aalala.


(Panandaliang tatahimik ang dalawa.)


Elsa: Umm, teka, antagal ko na dito hindi mo pa rin sinasabi sa akin kung
bakit pumunta ka dito sa isla. Bakit gusto mong magpatiwakal?

Bork: Bakit gusto mong magpatiwakal?

Elsa: Ako? O sige, sasagutin ko ha, basta sagutin mo rin ang tanong ko.
Ah, paano nga ba?

Elsa: Sapilitang iniwalay ako sa aking magulang noong tatlong taong gulang
pa lang. Nagtatrabaho sila sa isang sasakyang pangkalawakan nang
madiskubreng may dalang sakit na malubha pala ang isang pasahero
doon galing ibang planeta. Na-kwarantina sila hanggang mamatay
lahat. Hindi alam ng gobyerno kung saan ilalagay ang tulad ko. May
mga nagtangkang umampon pero umaayaw ‘pag nalalaman ang tungkol sa
magulang ko. Lumayas. Lumaki sa malupit na batas ng kalye. Nang nasa
sapat na gulang na, sinabing “tangina, tapusin na natin ang lahat!”.

Bork: Hindi ka dapat pumirma sa kontrata. Tutugisin ka ng mga taga-Center.

Elsa: Alam ko pero nagbago isip ko, eh. Bakit ikaw, nagbago ang isip at
hindi pa rin nila mapatupad ang kontrata? Dapat pwede ‘yun: pwede
magbago ng isip. Buhay yata pinag-uusapan.

Bork: Hindi na maaaring magbago pa ang isip mo kapag nasa Center ka na.
Nakasulat ito sa kontrata. Tutugisin ka pa rin nila kapag hindi na
kita kayang ipagtanggol.

Elsa: Sinubukan na nila ‘di ba? Pero hindi naman sila umubra sa
kapangyarihan mong ma-paralisa ang lahat ng electronics na malapit.
Teka, ikaw, bakit hindi mo tinuloy ang plano mong ... alam mo na?


(Sandaling tatahimik ang Bork bago magsasalita.)


Bork: Hindi pa oras ng Bork. Naalala ng Bork ang panahong may kumalinga sa
kanya. Naisip ng Bork na ito ang bumubuhay sa kanya, ang bumubuhay
sa lahat.


(Pagmamasdang maiigi ni Elsa ang mukha ng Bork at ang paligid bago magsasalita.)


Elsa: O kay laki kong tanga! Ginawa mo ako ng masisilungan kahit hindi mo
ito kailangan, binibigyan mo ako ng pagkain at pino-protektahan sa
mga robot ng Center. Dahil ba sa... dahil sa... O Diyos ko!


(Yayakapin ni Elsa ang Bork.)


Bork: Hindi ko na maigalaw ang aking mga paa. Sabihin mo: sugo ka ba ng
Center para ipatupad ang kontrata?

Elsa: Patawarin mo ako! Tinurukan kita ng gamot habang natutulog ka
kanina. Kung alam ko lang na...

Bork: Huwag ka nang humingi ng tawad. Isa lang ang hiling ng Bork bago
tuluyang magdilim ang paningin.


(Umiiyak na si Elsa habang nakayakap sa Bork.)


Elsa: Kumalat na ang lason sa iyong dugo. Wala na akong magagawa.

Bork: Hiling ng Bork: pabaunan mo ng isang ngiti.


(Pinilit ni Elsang ngumiti sa gitna ng mga luha.)


Bork: Salamat. Handa na ako.



WAKAS

No comments:

Post a Comment