
Madaling sabihin na kapag nagra-rali ka, mahal mo ang bayan higit sa sarili. Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng pagmamahal sa bayan?
Sa loob ng mga rali, naka-daupang palad ko ang mga intelektwal, mga lider-manggagawa at pisante, mga idealistikong mag-aaral: lahat sila ay may mga makatwirang iginigiit sa ilalim ng umiiral na dominanteng sistema. Lahat sila ay mahal ang bayang ito at naghahangad na bumuti ang kalagayan ng bawat isa. Hindi ko matatawaran ang mga sakripisyo nila, maliit man o malaki, bunsod ng desisyon nilang bumatikos sa gobyerno at sistema.
Subalit heto si Noel Cabangon, isang musikero at aktibista, na nangahas magtanong sa gitna ng dambuhalang anti-CHA CHA rally sa Makati noong Biyernes, Disyembre 12, 2008; kung sila nga ba ay "Mabuting Pilipino"?
Ipinataas ni Noel ng kanang kamay ang mga nasa rali---maging ang mga pulitiko tulad ng mga senador na dumalo na sina Chiz Escudero, Loren Legarda, Ping Lacson at Mar 'PI' Roxas---at inudyukang manumpa sa saliw ng musika (na ayon sa kanya ay tila panunumpa sa Panatang Makabayan o sa watawat) sa pamamagitan ng pag-uulit sa mga inuusal niya. Ang simula:"hindi ako mangungurakot".
Hagikhikan ang mga tao. Aba'y hindi lang pala mahusay na kompositor at mag-aawit ang dyaskeng si Noel, tuso rin pala.
(Walang nais mag-ilusyon na paninindigan ng mga nabanggit na mambabatas ang sinumpaan nila sa harap ng pagtitipong ito kung sakaling mahalal sila bilang pangulo o anupaman sa taong 2010 subalit sa maikling sandali kay sarap isipin na napahinuhod ng mga ordinaryong mamamayan ang kanilang mga makakapangyarihang pulitiko.)
Hinikayat ni Noel Cabangon ang mga tao, halip na pangaralan. Ako ay sumusunod sa batas-trapiko. Ako ay Mabuting Pilipino. Ako ay hindi nanunuhol. Ako ay mabuting Pilipino.
Ako ay Mabuting Pilipino.
Minsan, may nakipag-talo sa akin kung ano nga ba ang magagawa ng isang tao para mabago ang mundo. Wala naman daw magagawa ang mga pagra-rali rali na 'yan dahil hindi na magbabago ang sistema.
Ang sabi ko: huwag maliitin ang magagawa ng isa. Hindi kami nag-iilusyong magaganap ang pagbabago sa isang kisap-mata. Tumitindig kami para sa susunod na henerasyon.
Kung gayon, anas niya: umaamin kang wala kayong magagawa sa henerasyong ito kundi mag-rali at mag-ingay sa kalye.
"Hindi ka naman parang isang tao na haharap sa buhawi", sagot ko. Hindi ka naman isang nawawalang manlalakbay na tataghoy lang sa kakahuyan. Kung nais ko man baguhin ang lipunan, batid kong nagsisimula ang pagbabago sa aking sarili. Hindi dapat sinusukat ang tagumpay sa mga makasaysayang mga pangyayari lamang tulad ng pagbagsak ng Berlin wall subalit sa mga maliliit na bagay din tulad ng pagta-tangi-tangi ng iyong mga basura sa bahay.
Ilan ito sa mga binanggit ko:
1. Nagbabayad ako ng tamang buwis. Maging sa pagbabayad ng sedula, hindi ako nagpapanggap na estudyante o walang trabaho para makatipid.
2. Humihingi ako ng resibo sa mga bahay-kalakal o bahay-kainan para masigurong nagbabayad din sila ng tamang buwis. Mabuti na lang at may "Premyo sa Resibo" raffle promo ang BIR kaya lagi akong may dahilan.
3. Hindi ako nagkakalat ng basura. Tanging sa basurahan lang ako nagtatapon o kung sakaling walang basurahan, sa bulsa o sa kamay ko muna. Naisaloob ko na ang kampanyang "Munting Basura, Ibulsa muna" ng lungsod ng Marikina.
4. Inihihiwalay ko ang basura sa bahay: may lagayan sa mga papel at karton, sa mga PET bottles, sa mga plastic at sa nabubulok. Nagdadala rin ako ng plastic bag kapag maggo-groseri.
5. Bumuboto ako sa eleksyon ayon sa aking konsensiya.
Kung sakaling maraming naniniwala sa maliliit na pagbabago sa buhay, tiwala ako na susunod na ang daluyong ng pagbabago sa lipunan.
Hindi ko masasabi na perpekto ako. Marami akong pagkukulang sa lipunan man o sa sarili subalit sa mga maliliit kong pagsisikap tulad ng nabanggit sa taas, sinisikap ko pa ring maging isang mabuting Pilipino.
Araw-araw, ang pagsisikap kong ito; para taas-noong kong masabi: "Ako ay mabuting Pilipino."
No comments:
Post a Comment