Sunday, December 21, 2008

Dibidee, sir, dibidee



Wala raw pwedeng maka-gradweyt ng hayskul nang hindi nangongopya. Pero tinuruan ako ng magulang ko na huwag makinig sa mga sabi-sabi kaya pinilit kong makapag-tapos ng hayskul nang hindi nagongopya ng sagot sa pagsusulit man o takdang-aralin. Maging sa kolehiyo kahit na bumagsak ako sa Math 17 nang paulit-ulit basta pinanindigan kong hindi ako mangongopya ng problem sets o asaynments kahit na pinagpapasa-pasahan na ng iba kong kaklase ang sagot.

Hindi naman ako nagmamalinis subalit may mga prinsipyo akong pinagpalagay kong dapat talagang panindigan. May mga hangganan akong iginuguhit na alam kong hindi ko dapat lagpasan.

Ang problema: kung minsan hindi ko maiwasang ibahin ang pagkakaayos ng takdang guhit ayon sa tawag ng panahon. Isang halimbawa ay ang pagbili ko ng mga pekeng dvd movies.


Opo, umaamin akong bumibili ako ng pekeng dvd movies. Personal kong sinisisi dito si Conrado de Quiros ng Philipppine Daily Inquirer (saka ko na ito ipapaliwanag).

Bata pa ako mahilig na ako sa pelikula. Lumaki ako sa San Jose, Occidental Mindoro at sa bayan naming yaon, limitado lang ang paraan ng aliwan. Hindi pa uso noon ang cable tv sa bayan, iilang mayayamang pamilya pa lang ang may telepono noon at hindi pa uso ang text sa mga cellphone na pawang sing-lalaki ng mga kahon ng sapatos. Hindi naman ako mahilig sa mga drama sa radyo at tila iilang istasyon lang ng tv ang sagap ng mga nagtataasang naming mga antenna sa bahay (mga istasyon pa ng tv sa Iloilo kaya hindi ko maintindihan ang mga lokal na programa). Doon ako nagsimulang mahumaling sa komiks at pelikula, tulad ng
marami kong kababayan.

Ang mga sinehan sa amin ay uso pa ang DOUBLE FEATURE. Magbabayad ka lang ng tiket at dalawang pelikula na ang mapapanood mo. Kahit na rated "R" ang isang pelikula basta ang katambal nitong pelikula ay pambata, malamang ay papapasukin ka pa rin, lalo na't may mga kasama ka.

Hanggang sa nauso ang mga VHS tapes at VCD. Nang tumira na kami dito sa may Metro Manila napansin kong tila kabute sa pag-usbong ang sang-katerbang paarkilahan ng mga pekeng VHS at VCD. Subalit mas pinili ko pa rin ang umarkila sa ACA Video at Video City, dahil batid kong orihinal ang kanilang mga kopya at ayokong makinabang sa pera ko ang mga, ahm, namimirata.

Hanggang sa mabasa ko na ang paborito kong kolumnista na si Conrado de Quiros ay tuwang-tuwa sa pagkaka-diskubre ng mga pelikula ni Kurosawa sa mga nagtitinda ng pekeng DVD. Naging marupok daw siya sa tukso ng pekeng DVD dahil malamang sa hindi, mahirap nang makakita ng mga pelikulang klasiko o makahanap ng mga sinehang makapaglalabas ng mga ganitong klaseng pelikula. Siyempre dahilan na rin ang murang presyo nito.

Sa madali't sabi, natukso rin ako. Ngayon ay masugid na taga-bili na rin ako ng mga pekeng pelikula sa DVD (ngayon ay sa format na Blu-ray daw, kuno).

(May hangganan pa rin akong tinakda. Ang mga binibili ko lang ay mga banyagang pelikula na karaniwa'y klasiko o matagal nang naipalabas. Hindi pa rin ako bumibili kung palabas pa lang ito sa sinehan at lalong hindi ako bumibili ng mga piniratang pelikulang Pilipino.) "E, ano ngayon", anas ninyo, "bumibili ka pa rin ng pekeng DVD". O sige na, simulan na ang kastigo.

Anu't-anuman, nagpapasalamat pa rin ako dahil sa pagkakaroon ng mga de-kalidad na pelikula sa hanay ng mga nagbebenta ng pekeng DVD. Dahil dito naka-daupang palad ko si Citizen Kane at Frank Bailey; nakilala ko ang ilang obra nina Resnais, Jodorowsky at Fellini; na-diskubre si Edward Yang at Mohsen Makhmalbaf at nabatid kung bakit minamahal ng mundo ang bawat ipalabas ni Wong Kar Wai.

Ang ayaw ko pa ring pasalamatan ay si de Quiros. Nangopya kasi ako sa kanya, e.


P.S. At oo nga pala, makipag-ugnayan sa akin kung sakaling may kopya kayo ng mga pelikulang "Chungking Express" (naglabas na dati ng kopya nito pero sinoli ko ang nabili ko dahil walang subtitle na Ingles) at "Children of Paradise" ni Majid Majidi (dati itong nanalo sa Cinemanila at may nakita ako dating kopya sa ACA video rentals). At kung sakaling nakatira kayo malapit sa Marikina, may ire-rekomenda rin akong tindahan (basta huwag lang ingu-nguso kay Edu, ha?).


No comments:

Post a Comment