Friday, December 26, 2008

Rebyu ng pelikulang GHOST WORLD



Kapag nakakarinig tayo ng pelikula na galing sa comix, iniisip natin agad ang mga pelikulang may mga taong nakasuot ng mga makukulay na damit---na sobrang liit para sa kanila---na lumilipad o umaakyat sa gilid ng mga gusali, ng mga sangkaterbang special effects, matinding habulan, bakbakan at ga-higanteng mga pagsabog. Ang mga ordinaryong tao ay biktima lamang ng kasamaan o mga walang muwang na mga prinsesa na kailangang masagip ng ating bida.


Sa Ghost World (2001), isang pelikulang galing sa comix ni Daniel Clowes na dinirehe ni Terry Zwigoff, ang buhay ng mga ordinaryong nilalang ang tampok. Ang tanging action sequence lang dito na maaaring ituring ay nang subuking magwala ni Seymour (Steve Buscemi) sa loob ng isang convenience store at itaboy siya ng isang may sayad na mamimili na may bitbit na nunchaku. Isa ito sa pinaka-nakakatawa at nakaka-awang eksena dahil hindi man lang nakapagpabagsak ng isang istante o isang tore ng de-lata ang patpating si Seymour kahit na ang ating simpatiya ay nasa kanya.


Ang Ghost World ay tungkol sa buhay ng dalawang matalik na magkaibigang babae, sina Enid (Thora Birch) at Rebecca (Scarlett Johansson) at kung paano nila tanggapin, nguyain o isuka ang mapagpanggap na lipunang ginagalawan nila. Opo, isang pelikula na naman ukol sa teen angst. Pero ‘di tulad ng ilang komedyang kinabibilangan ng American Pie, hindi lang ito ukol sa seks at represyon. Mas malalim ang paglinang sa mga karakter at bagamat maraming mga nakatatawang eksena dito, mayroon ding mga kaakibat na anghang ang bawat paghalakhak.


Tumakbo ang pelikula sa kritikal na panahon matapos ang hayskul kung saan kailangang mamili ang dalawa ng landas na tatahakin. Sa pagpili nila ng kani-kanilang landas, unti-unti mong mahihinuha na sa ilalim ng kanilang mga insulto sa kapwa tao o lipunan, ay unti-unti rin silang nahihinog sa gulang.


Mahusay ang pagganap nina Birch at Johansson. Matalas at reyalistiko rin ang diyalogong sinulat ni Clowes. Huwag nga lang asahan na tumatakbo ito sa ritmo ng isang Hollywood movie, dahil baka antukin ka (hindi naman sa sinasabi kong ka-antok-antok ang pelikula, ano po?)


Ang isa pang malaking dahilan kung bakit dapat panoorin ito ay si Steve Buscemi. Siya na siguro ang maituturing na "Hari ng Sablay" o mga nerds at talunan sa mga pelikula. Sa isang eksena, kung saan inihanap ni Enid ng makaka-deyt ang nakilalang kaibigang si Seymour; pinuri ng babaeng ka-deyt niya ang musikang “blues” na pinatutugtog ng isang banda. Hindi iyan “blues” paliwanag ni Seymour, at bagamat mababanaag mo sa mukha ni Seymour na batid niya na papalpak muli ang deyt niya, itinuloy pa rin niya ang mahabang paliwanag dahil ganoon talaga siya---isang nerdy na kolektor ng musika at sining.


Maaaring walang malaking badyet at magarbong special effects ang pelikulang GHOST WORLD ngunit sigurado akong lalong mong maipagmamalaki ang sining ng comix matapos mapanood ang mahusay na pelikulang ito.


NB: napanood ko ito sa isang pekeng DVD na tanging Polish ang naka-limbag na mga salita liban sa pamagat na “Ghost World” kaya tila walang pumapansin.

No comments:

Post a Comment