Ang alam ko lang sa paggamit ng internet ay ang magpadala ng email. At manood sa youtube.
Ngunit dahil layuning kong makapag-limbag ng panibagong COMIX, sinabi ng aking publisher/distributor na kailangang gumawa ako ng blog. At hindi lang basta kailangan kung hindi KAILANGANG gumawa ako ng sariling blog...kahapon pa! Iyong tungkol lang ba sa comix. Siyempre, matigas ang ulo ko kaya sa simula ay tumanggi ako. Ngunit ang totoo, ang pagtanggi ay bunsod ng aking kamangmangan sa paggawa ng isang "blog". madali lang daw iyon, basta pumunta lang ako sa blogspot. O siya.
Kaya heto, nais ko kayong batiin sa pagbisita ng blog na ito.
Welcome sa ABILIDAD COMIX ATBP BLOG. Hindi lang ito ukol sa COMIX (oo na, matigas talaga ang ulo ko) ngunit tungkol rin sa samu't-saring bagay na interesado ako tulad ng PULITIKA, KOOPERATIBA, PAG-UUNYON, PELIKULA at iba pa. Sa pagsabak pa lang sa paggawa nito nangangapa na ako (ah, paano ba ang paglagay ng litrato? naku, bakit nasa gilid lang napunta? bakit yung pictures sa ibang blog may naka-embed na disenyo? ano ba itong mga 'links' na ire. hay, naku!) kaya minarapat kong HINDI NA IHIWALAY ang personal na blog ko sa comix blog.
Bakit ABILIDAD? Hindi ito dahil sa lubos na pag-hanga ko sa sariling kakayahan.(Anong kakayahan? Isa akong hamak na 'hack'.) Ang totoo, isang bahagi lang ako nito dahil binuo namin ang ABILIDAD COMIX ng aking kapatid na si Mannie Abeleda noong 1996 pa. Naghanap lang kami ng pangalan na pwedeng kumatawan sa aming dalawa at napansin ko na pareho pala kami ng apelyido: ABELEDA. Napansin din namin na madalas banggitin ang aming apelyido na "ABILIDA", kaya hayum, pinaglaruan namin at naging ABILIDAD. Inaamin ko ring naimpluwensyahan kami ni DAVE SIM, ang lumikha ng Cerebus(kung gusto niyo ng link dito pki-type na lang sa browser ninyo, pasensya na po), na pinangalanang AARDVARK COMICS ang kanyang kumpanya para lang mauna sa listahan ng kumpanya ng comics. O, hindi ba? Ma-abilidad nga.
Bakit COMIX at hindi KOMIKS o COMICS? Naku, medyo mahabang paliwanag. Sabihin na lang natin, pangsamantala, na sumasang-ayon ako sa panukala ni ART SPIEGELMAN ng MAUS na kailangang kumawala na ang mundo ng "CO-MIX" sa de-kahong ekspektasyon ng publiko sa porma at nilalaman ng kinagisnang "comics".
Bakit ATBP? Dahil bukod sa bukod sa pag-amin kong katamarang gumawa ng iba pang blog, nais ko ring maging bukas ang blog na ito sa iba pang mga bagay na maaaring hindi pa ako interesado sa ngayon ngunit maaring maging interes o paksa ko sa hinaharap. Plano ko ring maging daan ito sa paggawa ng ilang webcomix.
Muli, salamat sa pagbisita. Hanggang sa muli!
(P.S. Wala rin akong planong maglagay ng mga emoticons sa mga posts ko dito. Sigurado naman akong matatalino kayo at batid ninyo kung alin ang mga biro o hindi seryoso sa mga binabanggit ko kahit walang visual clues tulad ng mga emoticons. )
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment